Ugnayan ng Kita, Pag-iimpok at Pagkonsumo
Thursday, February 20, 2020
Ugnayan ng Kita, Pag-iimpok at Pagkonsumo
Ang Ugnayan ng Pagkonsumo at Kita
Ayon kay John Maynard Keynes, sa kanyang librong General Theory on Employment, Interest, and Money (1936 ), mga positibong ugnayan ang pagkonsumo at ang kita. Ito ay nangangahulugan na kapag tumataas ang kita ng tao, tumataas din ang halagang inilaan niya sa kanyang pagkonsumo. Ang mga taong may mataas na kita ay may mas mataas na tendensiyang kumonsumo ng marami kaysa sa mga taong may mas mababang kita. Ang ugnayan sa kita at pagkonsumo ay tinatawag na consumption function.
Tinatawag na autonomous consumption ang pagkonsumo kahit wala pang kita at siyang kumakatawan sa pagkonsumong hindi nakadepende sa kita. Ito ay nangangahulugan lamang na kahit walang kita ang sambahayan, kailangan pa rin nitong magkonsumo upang mabuhay. Patunay lamang na hindi lamang kita ang salik na maaaring magpagalaw ng pagkonsumo. Maaari ring isaalang-alang ang taglay nitong yaman o wealth, ang salaping galing sa utang o paghiram at mga inaasahan sa hinaharap.
Ang Ugnayan ng Pag-iimpok at Kita
Normal at mahalaga para sa ekonomiya ang pag-iimpok. Sabi nga ng ekonomistang si Arthur Lewis, "No nation can be so poor as to be unable to save." Ito ay nangangahulugang hindi dahilan ang kahirapan para hindi magawa ang mag-impok.
Maraming dahilan kung bakit nag-iimpok ang tao. Ito ang simula ng pagkakaroon niya ng yaman. Ang yaman ay maaaring sa anyo ng deposito sa bangko o pag-aari ng anumang bagay na kung tawagin ay assets. Katulad ng nabanggit na, ang nag-iimpok ay isang paggastang ipinagpaliban sa kasalukuyan upang magawa sa hinaharap, kaya kung ikaw ay hindi gumastos ng piso ngayon, may dagdag na piso kang maaaring maipambili sa hinaharap.
Ang savings function o ugnayan ng kita at pag-iimpok ay hindi kasing simple ng consumption function. Hindi maaaring sabihin na kapag tumataas ang kita, tataas din ang pag-iimpok. Mangyayari lamang ito kung hindi gagalaw ang lebel ng pagkonsumo, ngunit dahil tumataas din ang pagkonsumo habang tumataas ang kita, nagiging kumplikado and pagsusuri sa galaw ng pag-iimpok. Ito ay nangangahulugan lamang na ang pagtaas ng kita ay may dalawang magkaibang epekto sa pag-iimpok. Ito ay nakadepende kung alin sa pagitan ng pagkonsumo at pag-iimpok ang mas mahalaga sa bawat galaw ng kita.
Ang sambahayan ay nagkakaroon ng tinatawag na dissaving o negatibong impok. Ito ay nagaganap kapag mas mataas ang kailangang halaga sa pagkonsumo kaysa sa hawak na kita. Sa pagkakataong ito, kinakailangang pagkuhanan ng sambahayan ang ibang maaaring panggalingan ng kanyang dagdag na kita upang matustusan ang kakulangang ito. Maaaring siya ay magbabawas sa kanyang taglay na yaman o mag withdraw sa kanyang deposito sa bangko. Sa kabilang dako, mataas ang impok kapag mataas din ang kita. Kapag pantay ang halaga ng kita at pagkonsumo, zero ang impok. Ito ang tinatawag na break-even point.
Kung hindi ganito ang makasasanayang gawin, mahihirapang makagawian ang tinatawag na "disiplinadong pag-iimpok". Laging tatandaan na walang maliit o malaking kita sa taong gustong mag-impok.
Subscribe to:
Posts (Atom)